Ang “Kalamay-Buna” ang pinakamasarap
na kalamay na matatagpuan sa Cavite . Nagmula ito sa Bgy. Buna Lejos, Indang, Cavite
at kalimitang mabibili sa
mga nagtitinda sa plaza ng bayan ng Indang.
Taong 1927 nang unang nagtinda
sa bayan ng Indang ang noo’y 17 taong
gulang na si Emiliana Panganiban ng Bgy. Buna Lejos. Mula noon, tatlong klase na ng kalamay ang nakilala ng publiko: “kalamay
na pula”,“kalamay na puti” at “kalamay na may niyog”. Ang matamis, malinamnam at makatanggal
pustisong mga kalamay na ito ang siyang nagsilbing ikinabubuhay ng mga taga-Buna. Maraming kabataan mula sa Buna Lejos ang
nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa pagsisikap ng mga magulang nilang magkakalamay. Sa kasalukuyan, may mga magkakalamay pa
ring matatagpuan sa plaza ng Indang .
Sa panahong ito ng globalisasyon, saan kaya patungo ang industriya ng kalamay sa Buna Lejos na kailan man ay hindi naman nasuportahan
ng gobyerno? Bilang pagkilala, narito ang aking textula sa “Kalamay-Buna”:
KALAMAY-BUNA
Textula ni Joel C. Malabanan
Ang Kalamay-Buna sa bayan ng Indang
Nakapagpaaral ng hindi mabilang
Datapwat ang mesket, nawaglit sa kamay
Jollibee’y pamalit sa lagkit na taglay
Kung anong linamnam, tamis ng arnibal
Tumab-ang, nagluno ng baliw na asal
Bagong henerasyong nagtapos, nag-aral
Pabrika’t call center ang dasal at usal!
Sudsod at talyasing gamit na panghalo
Sa Bunang Malayo ay naghihingalo
Simot na ang niyog sa mga looban
Kalamay, pagkakuwan, alamat na laang!
Tags: kalamay-buna